03 November 2011

Kanta


Hinahanapan mo ako ng masasayang tulawit.
Mga nag sasayawang salita
na nangungusap sa ating pagiging isa.

Pasensya ka.
Nawalan na kasi ng awit ang mga berso kong
binigyan mo ng himig.
Wala na kasi akong naririnig pang masasayang 
linya na dating kumukumot sa ating dalawa.

Unti - unti na kasing humihina ang mga tinig
na humuhuni ng pag - ibig.

Naging mapaghanap ako.
Alam ko.
Hinahanap ang dati na sa 
tingin mo naman ay hindi nawala.

Sa tingin mo pala,
buo pa din ang musika kahit wala ng koro.

No comments: